Marami sa mga Pilipino ang gustong pumupunta sa Manila hindi upang dumayo at mamasyal ngunit para magtrabaho at patunayan at hanapin ang sarili sa isang lugar na hindi pangkaraniwan sa kanila. Galing sa iba’t ibang probinsya, sari-saring paniniwala at dahilan ang patungo dito. Sa hirap ng buhay ngayon ang isang tanging paraan ng mga Pilipino, ito ay para magbabasakali sa magulong lugar gaya ng Manila. Dito sa Manila marami at iba’t ibang mukha ang makikita, ang katayuan ang makikita sa pakakaroon magagarang sasakyan, mga malalaking bahay at ng mga bagay na produkto ng modernong teknolohiya.
Isa ako sa mga taong gustong makikipagsapalaran at subukan ang buhay Manila. Galing akong Iloilo, nakapagtapos ng karera sa Computer Programming sa isang komersyal na kolehiyo at ginusto kong maibahagi ang galing ko sa nasabing larangan. Dumaong kami ng Puerto ng Manila, dito palang ay binati na ako ng mga basurang nagsisilutang sa dagat at pilit hinahampas ng mga alon. “Welcome to Manila” bungad ng mausok na hangin na galing sa mga binubuga ng mga sasakyan. Maraming tao, mga sasakyan na nagpapalisahan para kumuha ng mga gustong umuwi na mga pasahero. Sumakay kami sa isang FX taxi papuntang Makati, dumaan kami sa Roxas boulevard. Sa bintanang salamin ng sasakyan ay makikita ang mga basura na nilalangaw na sa dami at amoy nito. Dumaan din kami sa isang masikip na kalye na kung saan ay nakakatagpi-tagpi ang mga bahay, nasisiksikan na sa dami ng nakatira rito. May mga sinampay na sa mga bintana at kahit mga kable ng kuryente ay ginawa na rin itong sampayan. Marahil sanayan lang siguro ang buhay dito. Binaba kami ng “jeep” sa tapat ng tatlong palapag na bahay. Makikita na ang bahay ay naluma na ng panahon. Dito nag-uupa ng bahay aking mga pinsan at malalayong kamag-anak. Hinintay ko ang aking Kuya galing trabaho upang ihatid ako sa Taguig kung saan doon ako makikitira sa bahay ng kapatid ng yumao kung Lola.
Ano kaya ang nakalaan sa akin dito sa Manila. Ano kaya ang kahihinatnan kong buhay dito. Kabado at di ko alam ang maaaring kapalaran. Alas sais na ng gabi ng dumating ang Kuya. Kumuha kami ng isang “taxi” papuntang Taguig. Umikot na ang gulong ng sasakyan, kumaliwa, diretso ng EDSA. Dito maraming daan ang naka-konekta, may “south superhighway”, “fly-over”, “skyway” at kung ano-ano pang katawagan na ang ibig sabihin lamang ay isang daan.
Dito magsisimula ang aking kuwento. Mula sa pier hanggang Makati ay may napansin akong kakaiba. Marami pala dito sa Manila ang walang matirhan ng maayos, sa ilalim ng tulay, sa baba ng “fly-over” at kahit sa “walkways” ay may nakahelirang mga bata, matanda at mga nagpapalimos sa daan. Isa sa kanila ay tinatawag na “taong-grasa”. Ito ang tawag sa mga maiitim, hindi naliligo, at mababahong tao. Pinandidirihan, iniiwasan, at nilalalait. Sila ang mga taong pilit pinababayan ng ating lipunan. Sinanadya sila ng kanilang kapalaran. Kung itatanong natin kung ano ba talaga ang taong-grasa ay magkakahalintulad lamang ang kanilang kasagutan. Hindi naliligo, mabaho dahil sa pawis, alikabok at usok ng sasakyan, parang “sniper” kung si Ate Cecile pa, may dala-dalang supot kung ano-ano ang laman, tigang na ang buhok dahil sa init ng araw, punit-punit ang damit at ito ang mga taong walang pakialam sa mundo. Karamihan sa kanila ay dulot ng personal na dahilan, pagkasawi sa pakikipagsapalaran sa buhay. Ang ilan ay may dahilan ng pagiging abusado sa droga. At isa na rin siguro ay dulot ng naghihimutok na ekonomiya. Nakikita sa kanila ang kahirapan ng bansa. Nakikita sa kanila ang kapabayaan ng pamilya. Nasasalamin din ang gobyerno na wala ng ginawa kundi magpayaman at salatin ang pera ng mamamayan. Palagi nating silang nakikitang nakaupo, isang direksyon ng mata, nagkakamut minsan sabay pa ang tawa. Dinadaan na lamang ng mapagkunwaring mamamayan na hindi nakikita at sinasadyang di nakikita. Iniiwasan sila dahil baka mabanga sila ng mga supot na nakakapit sa katawan nito. Marusi sila, baka magkabit pa ang pinagiingatang YSL o Lacoste na damit, Dr. Martens na sapatos, at iba pang “signature” na suot. Basahan lang ang tingin nila sa mga taong-grasa. Walang pakinabang kaya nilalait na lamang kahit ito’y hindi direktang sinasambit. Pinauusukan na lamang sila nito ng kanilang Ford Expidition, Honda City, BMW at Chrysler na sasakyan at gusto pang hagipin dahil ang mga taong-grasa kagaya nila ay isang dahong tuyo na lamang at nililipad na lang kung saan nakaihip ang hangin. Sila ay pilit na lang tinatalikuran ng kanilang sosyodad na kinamulatan. Marami sila. Kung ano man ang kadahilalan ay nabaon na lamang sa limot.
No comments:
Post a Comment